Friday, February 16, 2007

13,000,000,000 toneladang mga iniisip

Ewan.

Ang dami kong gustong sabihin pero ni hindi ako makapagsalita o kaya makapagsulat tungkol sa mga bagay na yun. Meron kasing mga bagay na mahirap ilagay sa salita dahil mahirap ipaliwanag dahil kahit saan ka magpunta, kahit anong sabihin mong excuse, deadend pa rin ang kakahantungan ng lahat. Minsan, iniisip ko, mas magandang magsawalang kibo na lang.

Mas mabuti na rin siguro para na rin hindi makasakit ng tao, para walang diskusyon, para tahimik, para walang gulo, para walang pag-iisipan, para walang magbago.

Pero hindi ako yun. Hindi ako pwedeng manahimik sa mga nakikita ko dahil sa maraming bagay na mahirap ding ipaliwanag.

Ewan.

Minsan naiisip ko, bakit ko ba pinoproblema ang mga problemang mas malaki at mas matanda pa sa akin? Bakit ko ba paulit-ulit na iniisip ang mga solusyon sa mga problemang hindi masolusyunan ng mga taong alam kong di hamak na mas magaling sa akin?

Ang dami kong gustong gawin pero hindi ko alam kung saan ako magsisimula. Madalas naka-upo ako dito sa harap ng computer pero ang utak ko, umaandar at nag-iisip ng mga explanasyon at solusyon na hindi ko naman alam kung posible.

Lagi kong iniisip na sana may magawa ako. Pero ano? Andito ako at walang magawa. Nakakainis. Naiinis ako sa mga taong mabababaw na walang ibang inisip kundi sarili nila. Naiinis ako sa mga taong akala mo kung sino. Naiinis ako sa mga taong walang pakialam sa kapwa nila. Naiinis ako sa sarili ko dahil naiinis ako sa kanila. Naiinis ako dahil wala akong magawa kahit gusto kong meron akong gawin.

Minsan naiisip ko ang hirap talaga mabuhay sa mundo na paikot-ikot. Ang hirap ipaintindi sa mga taong nasa paligid mo ang mga bagay na hindi nila gustong intindihin. Mahirap mabuhay sa sistemang gusto mong baguhin.

No comments:

Post a Comment

Tell me what you think!